17 Mai 2011

Pagtatapat ni Djamal, Asylum-seeker

(Halaw sa isang Lingguhang Magasin)


Sa mata ng mga Aprikanong tulad ko
Ang Swisa ay bayang nagwawagayway
Ng katarungan at pagkakapantay-pantay.
Kaya ni minsan di ko inakalang isang araw
Makipot na karsel ang maging hantungan.
Kalaban ko ang pagkabagot sa loob ng piitan
Na akala ko'y di ko na mapangingibabawan.
Mabuti na lang at naipagtatapat ko nang hubad
Bawat pangamba, pag-aalala at pag-asa
Sa munti kong talaarawan nang di sinisita.
Malinis ang kulungan at mabuti makitungo
Ang mga karselero sa aming mga preso.
Ngunit pakiramdam ko'y hayop ako
Na lipos nang takot at walang magawa
Kundi ang manalangin kay Allah
Na panatilihing malusog ang katawan
Upang lubos na mayakap at matatamasa
Ang pinakaaasam na sundo ng paglaya!
Tortyur ang paggapang ng dilim sa selda,
Tumitimbuwang ang mga alaala ng kahirapan
At kahayupan sa bayan kong pinanggalingan.
Gayon pa man, paminsan-minsa'y di ko
Maiwasan ang mangulila sa munting tahanan
At sa mahal na inang di man lang naiwanan
Ng kataga ng pamamaalam sa aking paglisan.
Bago ko pinapaubaya ang katawan sa kama
Hangad kong tumigil sa pag-andar ang utak
Na malimit inaayunan ng munting tabletas.
S'ya nga pala, ang kulungan, para sa akin,
Ay lunan ng mga nahahatulan ng krimen.
Ang tangi kong pagkakasala ay wala
Akong dokumentong maipapakita.

Keine Kommentare: