18 Dezember 2008

Damhin Natin ang Pasko

Sa tamis ng ating mga ngiti,

Sa galak ng bawat pagbati,

Sa kaswal na mga pag-uusap,

Sa lutong ng mga halakhak,

Sa init ng mga halik at yakap,

Sa tatag ng ating paninindigan,

Sa tibay ng ating pananalig,

Sa halimuyak ng mga bulaklak,

Sa pagsikat ng haring araw

Sa pagpatak ng ulan,

Sa pag-awit ng mga ibon,

Sa pag-uha ng mga sanggol.


Gayon din

Sa pagkunot ng ating mga noo,

Sa lungkot ng bawat pamamaalam,

Sa igting tuwing may pagtutunggali,

Sa hapding hatid ng paghihiwalay,

Sa latay ng bawat pag-aaway,

Sa pagkalagas ng mga dahon sa puno,

Sa ginaw na dulot ng taglamig,

Sa mga gabi ng ating pag-iisa,

Sa pagtulo ng ating mga luha.


tala: unang nalathala sa Dalityapi,
Disyembre 2000

17 Dezember 2008

Diyalogo ng Dalawang Karatula

"Ako ang Daan,
Ang Katotohanan
At ang Buhay."
Pakikipagtalumpati
Ng karatulang Bible Forum
Sa istasyon ng tren.

Sa halos wala pang kalahating
Metro ang layo
Nakanganga tila tumatawa
Ang hamburger ng McDonald's
At nagwika,
"So ein Kaese!"

So ein Kaese literally means what a cheese
but in Swiss-German idiomatic expression
this could be translated as what a nonsense.

16 Dezember 2008

Ang Iyong Pagdating

(kay D)

Tila pamumulaklak
ng isang ligaw na kaktus
sa kalagitnaan ng gabi
ang bigla mong pagdating
sa hardin ng aking damdamin-
nanunuksong pitasin
ang namumukadkad
na labing hitik sa lihim.

12 Dezember 2008

Ilang Tanong kay Omar, Batang Mandirigma

Ano ang nag-udyok sa mura mong isip
Na bitiwan ang baling lapis at krayola
At ipagpalit ito sa mga baril at granada?
Tunog-laruan bang maihahalintulad
Ang kanilang mga putok at pagsabog?
Oyayi bang magpapahimbing
Ang mga ungol at sigaw
Ng mga sugata't pumanaw?
Mas kawili-wili bang humukay
Para sa sala-salansang bangkay
Kaysa maglaro sa labas ng bahay?
Mas matindi ba ang init na dulot
Ng tangan-tangan na mga sandata
Kaysa mga yakap ng balo mong ina?

Omar, paulanan mo man ako ng kasagutan
O ipabatid ang katahimikan sa ating pagitan
Taimtim kong ipanalangin kay Allah
Na siya mo ring kinakausap sa Meskita,
Sana bago utasin ng bala ang iyong hininga
Ay matunton mo nang dahan-dahan ang daan
Palabas sa paikid-ikid na sistema ng karahasan
At masipat man lang kahit panandalian
Ang pagdating ng bagong buwan.

Tala: Napasama sa antolohiyang Ani 36 (Disaster
and Survival Issue) ng Cultural Center of the
Philippines gayundin sa Our Own Voice
Literary Ezine Mindanao Issue, na kapwa nilathala

nito lamang Abril 2011.

11 Dezember 2008

eksenang sauna

kapag naghuhubad
na ng saplot
ang mga punongkahoy
nagdadagsaan
tone-toneladang
laman
sa kwadradong
painitan.

dilat na dilat
ang mga mata,
abalang-abala
ang mga paa,
ngunit bahagya
ang tawanan,
bulungan,
at usapan.

nakikiramdam
lamang
ang bawat adan
kung kanino niya
idadantay ang pagal
na katawan
at kaluluwang walang
mapagpapahingahan.

tala: unang nalathala sa Dalityapi
noong Marso 2001

09 Dezember 2008

Pangarap

Iniwan ko ang kubong ang tanging yama'y
Isang tabinging kalderong madalas kundi man
Saging ay mainit na tubig lamang ang laman.
Kipkip ang tampiping pinuno ng pag-asa
Inilulan ko ang sarili sa isang barkong tumbok
Ay islang susuhay sa hinahangad na buhay.
Ano't bago dumaong sa inaasam na dalampasigan
Hampas ng mga alon sa ami'y gumulantang
Ngayon tulad ng karamihang karga't pasahero
Pangarap ko'y inilubog ng Dagat Pasipiko.

08 Dezember 2008

Taglamig

Tulad nang ipinataw ng taglamig
Sa mga pontanya ng syudad,
Itinigil niya ang pag-agos ng galak
Sa katawan kong sabik sa init-araw.
At kung may gunita mang pangahas
Na dadaloy sa isipa't
Liligwak sa mga labi'y
Sasalukin niya maging
Ang madalang na mga patak
Upang pagkatapos ay papagyeluhin,
Patutulising tila mga estalaktika
At iuumang sa pandamdam.

tala: unang nalathala sa Pinoypoets, Inc.

03 Dezember 2008

Sa Isang Babaeng Balo

Nagsilang ng sanggol ang isang balo,
anim na taon pagkatapos na yumao
ang kanyang asawa. Dahil sa Saudi Arabya
ito nangyari, nahatulan siya ng kamatayan.
SonntagsBlick, Nobyembre 26, 2006


Nakahanda na rin ang iyong hukay
Magmula nang asawa mo'y namatay.

Sa bayan ng lumalagablab na disyerto
Kasumpa-sumpa sa iyong mga kadugo

Ang mamuhay ang mga tulad mo,
Babaeng balo at may supling na tatlo.

Sa araw-araw na pamamalimos
Nagkakaapoy, tahanang naghihikahos;

Naaaninag ang silweta ng pag-iisa,
Nasasalat ang kurba ng pangungulila;

Kaya bawat pangako at pagsuyo'y
Bisita ngayong sa puso'y pinapatuloy.

Nang mahinog sa sinapupunan,
Punla ng panibagong pagmamahalan

Hinarap mo ang nakahandang hukay
Na pamana ng asawa mong namatay.

Tala: unang nalathala sa Our Own Voice
Literary Ezine Mindanao Issue, Abril 2011.