14 Januar 2008

Ako at ang Syudad

Puta ang turing ko sa syudad
sa mga sandaling kinukumutan
ng kulay abo ang kalangitan.

Nagmemeky-ap ng putlaing ilaw
upang ikubli ang mga bitak at dungis
ng bawat edipisyo, iskinita't kanto.

Nagsusuot ng mga karatulang
bumabakat sa mga panindang
nangangako ng kaluwalhatian.

Nag-iisprey ng nakahihikang pabango
na nagmumula kundi man sa sigarilyo
ay sa humaharurot na mga tambutso.

Naglalasing sa mga himutok at hinaing
ng masangsang na simoy ng hangin
at baradong kanal na walang pumapansin.

Nang-aalok ang kindat ng mga neon lights
ng mura at matataas na deskuwento
sa de-kalidad na masahe at karinyo.

At ako, ang isa sa mga parokyanong
naliliyong nakikipagkalakalan
sa nanlilimahid na lipunan.

tala: nalathala sa Dagmay (Literary Journal
of the Davao Writers Guild), Disyembre 7, 2008

09 Januar 2008

Habang Nag-iisa Sa Warsaw

pinamamahayan ng lumbay
ang puso kong mapagbanyuhay
gayong lubos na pinananabikan
ng aking mga talampakan
na magalugad ang syudad
na kumakalong sa Ilog Vistula,
nadaig yata ng makulimlim
na panahong nakalambong
sa aking ulunan

habang isa-isa na kinikilala
ang mga gusali't iskinita
sa puso ng Stare Miasto
binabati ako ng mga ito
na tila ba mga bulaklak
sa parang kung tagsibol.
ngunit sa aking balintataw
lahat sila ay kay pupusyaw,
wari'y kinukumutan
ng makapal na usok
ng ikalawang digmaang
pandaigdig

kaya magmula ngayon
ayaw ko nang maglakbay
na hindi ka kasabay.

tala: unang nalathala sa Our Own Voice
Literary Ezine, Disyembre 2005

08 Januar 2008

Dapithapon sa Boracay

Sa tuwing dapithapon
naging kawili-wiling tanghalan
ang tila arinang dalampasigan.

Pagbukas ng bulwagan,
nagsasalitan sa pag-awit
ang mga alon, hangin at kuliglig;

upang tiyak na matukoy
ang oras at tagpuan ng dulang
nililikha ng kalikasan,
mababanaagan ang mga bangkang
nagmamadaling pumapalaot
habang ang kulay dalandan na araw
ay dahan-dahang humihimlay
sa mapulang orisonte;

tila mga butil ng kaypinong buhangin
na di kayang bilangin
ang mga tauhang nagsisiganap
sa pangkaraniwang palabas:
mga dayber na tumutuklas
sa yama't ganda ng dagat,
mga matitikas na tinedyer
na nakikipaghabulan sa alon,
mga bakasyunistang hindi mapakali
na sa harap ng kamera'y ngiti nang ngiti,
at iilang mga mangingibig
na taimtim lamang na nagmamasid
sa mga nagaganap sa paligid
ngunit pandamdam ay nagpipiging
nang maluwalhati't tahimik;

at bilang epilogo,
mamaybay sa bukana ng puso
pagkat doon madalas humahapon
ang kasiyahang dulot ng ganitong
mga dapithapon.

07 Januar 2008

Ellis Island

Nagpinta ka
sa lupalop ng aking gunita---
ng mga natuklap na kaban at maleta,
ng mga napudpod na sapatos at sandalyas,
ng mga nasugatan na pantalon at bestida.

Tumugtog ka
sa lupalop ng aking gunita---
ng mga hiyaw ng sanggol na gutom,
ng mga lagapak na interogasyon,
ng mga buntong-hininga ng disilusyon.

Naglilok ka
sa lupalop ng aking gunita---
ng mga nalagutan ng hininga't pag-asa,
ng mga manlalakbay na nakatitig sa kawalan,
ng mga nandarayuhang umaasam ng kaginhawaan.

A, munsik na isla ng Amerika!
pinuno mo ng sanlaksang alaala
itong puso't diwang naglalakbay
na kailanma'y di ko maididiskarga
sa lupalop ng aking gunita.

tala: unang nalathala sa Dagmay (Literary Journal
of the Davao Writers Guild), Disyembre 28, 2008.

Pagdalaw sa Houston

(para kina Archie at Joey)

Walang makasaysayang edipisyo ng syudad
ang nag-iwan ng matingkad na palatandaan
sa lupalop ng aking gunita.
Kundi tanging mabibilog na mukha
ng matalik kong mga kaibigang
may ilang taon na ring di ko nayakap
nang mahigpit sa kanilang mga kaarawan.
O di kaya'y naiabot man lamang ang kamay
sa mga sandaling diwa'y nag-aapuhap
ng katiyakan sa pangingibangbayan.
Kaya nitong muling pagtatagpo
lubos kong kinagiliwan ang gabi-gabi
naming paglatag ng mga nakasalansang
karanasan sa lihim na kilusan at tanghalan.
Minsa'y napabuntong-hininga kami
sa mga kakilala't kasamang pinaslang.
Minsan nama'y biglang napahagikhik
sa mga pag-ibig na di naipahiwatig
sa mga kapwa mandudula sa teatro.
Binagtas na ng aming mga talampakan
ang liku-liko't mabatong disyerto.
Ngunit bumabalik at bumabalik kaming tatlo
sa pagtunton sa mga kalyehon ng nakaraang
kay titingkad ng mga palatandaang iminuhon
ng aming mga di malimot-limot na kahapon.

Ang Iyong Postkard Mula sa Napoli

(para kay E)

Tiningnan ko lamang nang bahagya
Ang postkard na pinadala mo sa akin.
At nanghinayang sa mga sandaling ito
Dahil hindi ko man lang maipahayag
Sa kapirasong kartong dumating
Ang mga agam-agam na nakakawing
Nitong padalus-dalos mong pagbiyahe.
Sana sabay nating napagnilayang
Ang paghibo ng laman kung minsan
Ay kirot na sa isipa'y nananahan.
Gayunpaman, salamat at naalala mo ako
Ngayong inaapuhap mo ang iyong gusto.

Armenya, Anno 1915

Nagdiwang noon ang sangkalupaa't sangkalangitan
Nang hinalinhan ng tagsibol ang mabagsik na taglamig.
Iniabot ng bawat tangkay ang hawak na mga bulaklak
Sa magagarang salagubang na namasyal sa parang;
Ang kawan ng mga ibon na naglakbay sa katimuga'y
Nangagsibalik na sa kani-kanilang pugad na nilisan;
Sa bukid nagsatubig ang bloke-blokeng niyebe't
Tinalunton ang lumuting daan ng mga batis at lawa;
Inilatag ng lupa ang luntiang alpombrang naging
Palaruan ng mga ligaw at maamong kahayupan;
At ang maninipis na ulap ay tinipon ng kalawakan
Bilang pabelyong masisilungan ng sangkatauhan.
Ngunit wala ni isa mang angkan ng Armenyan
Ang dumalo't nakasaksi sa pagdaraos na naganap.
Sa halip, bata at matatanda'y nanaghoy sa kwadra
Habang inaantay ang mga sundalong Ottoman,
Na walang tanging alam at kapuri-puring
Ipinagdiriwang kundi ang pumaslang.

tala: napasama sa antolohiyang 'Spirituality & Healing'
(Ani 34), na nilathala ng Cultural Center of the Phils.,
at nilunsad noong Disyembre 17, 2008.