14 Mai 2011

Isang Umaga

Nagdilig noon ang kalawakan
Ng gangga-maning mga patak
Kaya nagpasya tayong manatili
Sa loob ng tent na ang haba't-lapad
Ay para lamang sa ating dalawa.
Mula sa mala-arkong lagusan
Nasilip natin ang paghugas ng ulan
Sa mga dahong pinamamahayan
Ng maputi at makapal na alikabok.
Napagtuunan ng pansin ang pagsapo
Ng nabibitak na paligid
Sa maligamgam na handog ng langit.
Maging ang pagiwal-giwal
Na pagtunton ng tubig sa kanal
Ay kapwa nating ikinatuwa.
Nagsabangka ang ating mga damdamin,
Na nagpatianod sa mga simpleng tanawin.

Keine Kommentare: