05 Mai 2011

Kay Kandido Azpiazu, Miyembro ng Euzkadi Ta Askatasuna

Nang inukupa ng iyong kuwento
Ang isang pahina ng pahayagang
Naging kasalo ko sa agahan
Nakisabay sa paggulong ang aking ulo
Sa mga katawang inutas ng iyong ideolohiya.
At sa pagitan ng mga bantas at talata ng balita
Namulaklak ang mga katanungang
Di mabungkos-bungkos ng aking pag-unawa.
Gayunpaman, kung magkapanahon ka
Pawalan ang namamayaning poot sa puso,
Idistrungka ang tangan-tangan na baril,
At subukang humapon sa bulubunduking
Bahagi ng ipinaglalaban mong Baskiye
Baka sakaling iyong matanto na hangga't
Pagala-gala sa kabayanan ang karahasan
Patuloy na magmumulto ang kapayapaan.

tala: napasama sa antolohiyang 'Spirituality
and Healing' (Ani 34), na nilathala ng Cultural
Center of the Philippines noong Disyembre 2008

Keine Kommentare: