18 November 2008

Postscript kay Juan, Pangunahing Tauhan ng La Mala Educacion

Nang saglit na tumambad
sa kayputing kawalan
ang hubad mong katawan
kawad ng diwa'y napatid,
hibla ng kawili-wiling
kuwento'y nagkabuholbuhol,
at ang pinakamasaklap sa lahat
buntong-hininga kot' pag-aasam
ay walang awang nilagot
ng mga ilaw na sa aki'y nakapalibot.

17 November 2008

Ako, pagpasok ng taglagas

Pagpasok ng taglagas
mga sanga ng puno'y
nagsasabit ng mga dilaw,
kulay dalandan at matitingkad
na pulang banderitas;
na maya't maya'y sumasayaw
sa walang kapagurang
pagtutugtog ng hangin
sa kapanahunang ito,
tila saglit na ipinagdiriwang
ang papalapit na pananahimik
ng buong paligid.

At ako'y
natulad sa mga krokus,
ang makukulay na talulot
ay noon pang tag-araw itiniklop
at sa ilalim ng lupa'y nahimbing,
tinakasan ang pagdating
ng kayhapding hangin.


tala: unang nalathala sa Sangkomunidad
(CCP), Disyembre 2005.

heto ang maikli nilang pagpakilala sa aking akda:
"Pakiramdaman ang nasasaloob ng makatang
tubong-Dabaw na ngayo'y aktibong bahagi ng
pamayanang Pilipino-Suwiso, habang ang kubling
damdaming yao'y sinasalamin ng pamilyar niyang
pagtatala ng mga bagay sa kapaligiran."

16 November 2008

Bisikleta

(sa alaala ng mahal kong Itay)

Sa bayan ng mga tulipan kung saan
Dinala ako ng aking mga talampakan
Nabanaagan kita Itay kasama ang mga
Lumang bisikletang walang enggranahe,
Na kundi man gumagaralgal sa pagtakbo
Ay tahimik lamang na nakasandal
Sa mga rehas na bakal ng mga tulay.
At sa mga sandaling sinasabayan nila
Ang araw-araw kong pagbaktas sa syudad
Hindi ko maawat ang isip na umangkas
Sa pag-aasam na lakbaying muli
Ang mga kalsada ng ating nakalipas,
Na bagama't mabato at liku-liko
Ay narating pa rin nating pareho
Ang lunang may bahaghari sa dulo.

15 November 2008

Gabing Maalwan

(kay R)

Tumugtog ang magarang piyano,
Tumaginting ang mga kopa,
Umandap-andap ang mga kandila,
Uminit ang katad na sofa,
Habang naglayag sa gunita---
Ang mga nakangangalay na paggaod
At paminsan-minsang pagtaob
Ng ating mga pusong mapaglakbay
Sa gitna nang maalon tang panahon.

12 November 2008

Ang Basurero

Binubuhay ako ng mga berde at puting botelya
na natatagpuan ko sa mga bundok ng basura.

Namumuhay ako sa kasalatan dahil may mga
nagpipiyesta sa tamis ng sopdrinks at pait ng alak.

At nabubuhay ako sapagkat kinakailangang
may tagalikom ng kalat sa mundo. Itong mundong

Sagana sa berde at puting botelya. Sa tuwing
nahahalukay ko sila sa pagitan ng iba pang latak,

Maingat ko silang iniipon upang di nila ako
masusugatan. Saka pinapaubayang maghalo

Sa isang maluwang na sako. Di ko sila inihihiwalay
ayon sa laki, anyo at kulay, gaya ng pagbubukod

Ng lipunan sa tao. Sila na walang buhay
ang bumubuhay nitong binabasurang buhay.

11 November 2008

Sa Carousel Bar

Bawat parokyano'y mangangaso.
Mula sa kasukalan ng dilim
Tahimik siyang magmamasid
Sa mga matitikas na lalaking
Posibleng malalapa ngayong
Humihibo ang sariling laman.
Sa umpisa'y itutuon ang tingin
Sa natitipuhang biktima;
Pagdaka'y bibitagin ng ngiti,
Paaamuin ng sambasong inumin.
Kung sakali mang iilap
Sa pait ng alak ang hinahangad
Di siya lumilikha ng kaluskos
Na maaaring magtataboy
Sa inaasam-asam na bihag.
Mananatili pa rin siyang tahimik
Habang matiyagang ihahanda
Ang Frankong patibong
At dahas na kinukuyom.

10 November 2008

Lubid

Inilagak ako sa isang sulok
Na walang bumibisita maliban
Sa mga kakilalang alikabok.
Sa pag-iisa, isa-isang inuusisa
Ang mga katangiang humuhugis
Sa kabuuan ng aking pagkalubid:
Bawat makintab na hibla'y
Mahigpit ang pagkakasalapid;
Ang tatlong metrong haba'y
May isang libo't-isang saysay;
Ang mala-daliring diyametro'y
Pansilo sa mga payak na damgo.
Kaya di ko ikinamangha minsang
Sa aki'y may paslit na dumampot.
Bulong ko ngayon sa palibot:
May silbi na ang aking eksistensiya
Ngunit nang sa leeg ako'y ipinansabit
Wala akong ibang dalit na nasambit-
Sana ako na lang ang n
a
p
a
t
i
d

Tala: nalathala sa Dagmay (Literary Journal
of the Davao Writers Guild), Hunyo 21, 2009